Tuesday, December 20, 2011

President Noynoy Aquino Statement on Bagyong Sendong



Noong Sabado po ng madaling-araw, isang bagyong nagngangalang Sendong ang dumating sa kubli ng dilim, at nagdala ng trahedyang nagpakulimlim sa dapat sana ay maningning nating pagdiriwang ng Kapaskuhan.

Sa dami po at lakas ng buhos ng ulan, may mga ulat tayong—at nakita po natin kanina—pati mga dumptruck ay bumaliktad at natabunan ng putik. May mga pamilya pong natangay patungong laot, malayo sa ilog, at doon na na-rescue ng Coast Guard at Navy.
 
Sa huling bilang kaninang alas sais ng umaga, 957 na po ang ating mga kababayan ang nasawi dahil kay Sendong. Isanlibo limandaan walumpu’t dalawa ang nasaktan. Patuloy pa ring hinahanap ang 49 na nawawala; habang may 432 na nailigtas ng ating mga rescuer mula sa peligro. Ayon po sa huling tala ng NDRRMC, animnapu’t tatlonglibo, pitumpu’t siyam o 63,079 na pamilya ang naapektuhan ng sakuna.
 
Sa ngayon, pangunahin nating tinututukan ang paghahatid ng tulong sa mga nasalantang lugar. Naglabas na ng Relief Supplies at Standby Funds ang DSWD, na sa suma-total ay nagkakahalaga ng 72.50 million pesos. Samantala, patuloy pa rin po ang mga emergency missions ng ating mga sundalo’t kapulisan.

Tatlong chopper po ang agad na rumesponde mula sa Tactical Operations Group ng Hukbong Panghimpapawid. Patuloy pong dumarating at ipinamamahagi ang mga sako ng bigas, mga de lata, inuming tubig, at iba pang relief goods mula po sa DSWD, dagdag pa sa mga kusang ibinibigay ng mga nagmamalasakit nating mga kababayan.
 
Magbibigay naman po ng benepisyo ang PhilHealth kahit sa mga biktimang hindi pa raw nila miyembro, habang ang PCSO ay sasagot sa gastusin ng mga biktimang pumasok sa Northern Mindanao Medical Center dito po sa Cagayan de Oro ayon po sa kanyang Chair na si Margie Juico.  Ang DPWH po ay nagtatrabaho na ngayon upang itindig ang mga tulay na gumuho upang mas mapabilis ang pagdating ng tulong sa mga nangangailangan. Kabalikat po nila ang mga frontliner natin mula sa DSWD, AFP, Coast Guard, PNP, at mga local government units.
 
Alam po namin na anumang lunas ay mapapabilis kung mag-aambagan tayo sa pagtulong sa kapwa natin Pilipino. Lumalagari po ngayon ang nag-iisang C130 na eroplano po natin, at nagagalak po tayo dahil hindi na kinailangang udyukin ang pribadong sektor na tumulong dahil kusa na nilang ipinahiram ang kanilang mga sasakyan, tulad po ng Air21, LBC, at pati na rin ang Philippine Airlines, at marami pa hong iba.
 
Nariyan din po ang nagbigay ng malilinis na tubig, damit, pagkain, potable water system, at iba pang kagamitan para sa mga nasalanta; ang mga eskuwelahan na kusang ginawang evacuation center ang kanilang mga pasilidad, at patuloy na nag-oorganisa ng mga relief operation, tulad po ng Xavier University.

Nariyan din ang mga institusyon tulad ng ABS-CBN Foundation, GMA Kapuso Foundation, TV5, Smart, Globe, Ateneo, La Salle, at marami pang ibang naging katuwang ng laksa-laksang karaniwang mamamayan na nagvo-volunteer at kusang nag-abot ng makakaya upang makatulong. Sa kanilang lahat po, maraming, maraming salamat po. Kayong kapwa kong mga Pilipino ang nagsisilbing liwanag sa mga panahong tulad nito.
 
Alam po n’yo, hindi ko po maiiwasan: Ang tanong ko po, kinakailangan bang umabot sa ganitong trahedya? Alam po nating darating si Sendong. Sariwa pa po sa alaala natin sina Ondoy, Pepeng, at Pedring, at gumawa po tayo ng paraan para iwasan ang ganoon kalaking pinsala. Pag-upong-pag-upo po natin sa puwesto, ang sabi sa atin, 43 sa  80 probinsya ng Pilipinas—lampas sa kalahati—ang nasa panganib tuwing may darating na bagyo. Nabigla po tayo noong ibinalita sa atin ito, at muli nating ipinasuri kung tama ang bilang na ito. Pagbalik ng pagsusuri, naging 66 pa ang dami ng probinsyang nasa peligro.
 
Bali may mga lugar po sa 66 na probinsyang ‘to ang talagang lubha ang panganib ng flashfloods o landslides. Lalo po tayong nabahala, kaya’t nagsagawa tayo ng mga hakbang para tugunan ito. Gumagana na ang mga Doppler radar natin sa Subic, Tagaytay, Cebu, Hinatuan, Baguio, at Baler.

Ngayon, dahil sa aktibong ugnayan sa pagitan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council at ng lokal na pamahalaan, bago pa man lumapag sa lupa ang unang patak ng ulan, nailatag na ang mga hakbang na kailangang gawin ng bawat ahensya.

Maaga nating naipoposisyon ang mga relief goods para sa mga lugar na natukoy na tatamaan ng bagyo. Aktibo sa paghahatid-impormasyon ang PAGASA at NDRRMC, hindi lamang sa kanila pong website at sa iba’t ibang mga social networking sites, kundi maging sa pamamagitan ng tinatawag na text blasting.
 
Kaakibat ng mga hakbang na ito ang ating total log ban at ang National Greening Program, na nakatuon sa pangmatagalang solusyon sa mga problemang pang-kalikasan. Minumulat na rin po natin ang lahat sa mga panganib ng climate change. Paulit-ulit din po ang ating panawagan: kung tatanggi kayong lumikas sa panahon ng sakuna, hindi lang po buhay ninyo ang nalalagay sa panganib, kundi pati na rin ang rescuer na itataya ang sariling buhay para sa inyong kapakanan.
 
Hihingi po ako ng inyong pahintulot: pasensya na po, pero talaga pong madalas pong situwasyon, iyong mismong tagaligtas babalik sa lugar na peligro, hindi dalawang beses, kung minsan tatlo—sa ibang lugar po ay hanggang limang beses. Kada pasok po ng nagliligtas, ini-expose po niya, hindi ba?—nilalagay niya ang sarili niya sa panganib para lang makatulong. Balita ko po, dito sa Cagayan de Oro, mayroon rin pong nasawi na mga nagre-rescue.
 
Sa kabila po ng mga paghahandang ito, bakit pa po natin ngayon kinakaharap ang ganitong trahedya? Alam po ninyo mayroong tinatawag na mapa, nagdedetalye ng tinatawag na geohazard. Itong pong mapang ito ay tumukoy dito po sa lugar—sitio ho yata ito—ang ngalan ay Isla de Oro, bilang pook na mismong sasalo ng baha sakaling dumating ang bagyo.

Nakita naman po ninyo ang ayos ng Cagayan River, at saka itong Isla de Oro, talagang haharangin niya ang ilog. Dahil alam natin ang topograpiya, natukoy na rin ang mga lugar kung saan magiging mabilis ang ragasa ng tubig. Bakit po may nakatira pa rin sa mga pook na ito? Alam naman pong bubuhaghag ang lupa sa gilid ng mga bundok kung tatanggalin ang mga punong-kahoy; bakit po hinayaan pa ring putulin ang mga ito upang masaka ang lupa? Bakit po may mga ulat ng mga trosong tinatangay ng ilog mula Lanao patungong Iligan? Bakit po ba may nagpipilit pa ring gumawa ng mali?
 
Kailangan ko pong tanungin ang aking sarili (at araw-araw ko pong itinatanong ang aking sarili): sapat ba ang nagawa ng inyong pamahalaan para iwasan ang ganitong klaseng trahedya? Hindi ko po yata matatanggap na nagawa na namin ang lahat; alam kong may kaya pa tayong, at dapat tayong gawin.
 
Wala po tayong hangad na magturo kung sino ang dapat sisihin sa ganitong mga panahon. Ngunit obligasyon nating tukuyin kung ano ang nangyari. Nagbuo na tayo ng isang task force mula sa mga kinatawan ng DILG, DSWD, DPWH, DOST, DOJ, DENR, at Mindanao Development Authority. Sila po ang mag-iimbistiga, magbibigay ng lunas at tugon sa lahat ng ating mga katanungan. Para hindi na maulit ang trahedyang ito, kailangang malaman kung saan nagkulang, kung sino ang may pagkukulang, at kung paano ito dapat panagutan.
 
Inaasahan ko rin pong buong-loob na ipatutupad ng bagong tinalagang ARMM OIC-Governor na si Mujiv Hataman ang iniatas kong total log ban on natural forests, na ang ulat po sa akin ay walang-habas na nilalabag ng mga illegal logger sa kanya pong rehiyon.
 
Pagbalik po natin sa Maynila mamayang hapon, lalagdaan ko na po ang State of Calamity, or National State of Calamity, upang paandarin ang mga mekanismong mapagkukunan ng dagdag na pondo.
 
Alam po ninyo, tatlong milyong dolyar po ang maaari nating makuha mula sa Asian Development Bank, habang may nakahandang limandaang milyong dolyar na ipapautang ang World Bank sa mababang interes kung sakaling magkulang pa po ang pondong matagal nang nakahanda upang tugunan ang ganitong mga kalamidad. Kabi-kabila rin po ang alok ng tulong mula sa Japan, Amerika, Australia, Russia, China at may mga ibang bansa pa ho na patuloy na nag-aalok ng kanila pong tulong. Taos-pusong pasasalamat po ang ipinaparating natin ngayon sa mga kaibigan ng bansang Pilipinas at ng mga Pilipino.
 
Wala pong dudang babangon ang Cagayan de Oro at Iligan, at ang iba pang tinamaan ni Sendong. Ang tanong lamang ay kung gaano kabilis. Ngunit hindi lang po agarang lingap sa mga nasalanta ang tuon natin. Kailangan nating maghanda, dahil alam nating hindi maiiwasan ang pagdating ng bagyo sa atin pong bansa.

Palalakasin natin ang sistema upang mas malinaw na matukoy kung gaano karami at kalakas ang bubuhos na ulan. Apat na Doppler radar na po ang nadagdag mula nang umupo tayo sa puwesto; may tatlo pa pong magiging operational sa darating na taon. Bukod po sa animnapung milyong piso na inilaan para sa pagpapagawa ng mga kalsada dito sa Cagayan de Oro, nariyan din ang 54 na milyong piso para maisaayos ang inyong systemang pangtubig-inumin.
 
Dagdag pa po diyan ang 150 milyong piso na nakalaan para magpuwesto ng tinatayang isanlibong unit ng automatic water level sensor sa 18 mga river basin sa buong bansa. Apatnaraan at limampung milyong piso rin po ang itinalaga para sa pagpapatayo ng mga core shelter sa Cagayan de Oro at Iligan. May tinatayang isanlibong housing unit din naman po ang maaasahan natin mula sa National Housing Authority na pangunang tulong po nila.
 
Nagsisilbing paalala ang ganitong mga pagkakataon sa ating mga tungkulin: ang pangangalaga sa kalikasan, at ang pagkalinga sa kababayan nating nangangailangan. Higit sa lahat, matutuhan sana nating talikuran ang mga gawaing nagdala sa atin sa kinalalagyan natin ngayon. Kung ayaw nating maulit ang trahedya pong ito, kailangan nating matuto sa ating mga pagkukulang.
 
Makakaasa kayo sa tulong ng pamahalaan sa pagkukumpuni ng inyong mga tahanan, ngunit umaasa naman kaming hindi na kayo babalik sa mga lugar na may banta o kasiguraduhan ng panganib. Bibigyan kayo ng trabaho’t pagkakakitaan, ngunit hindi kami papayag na muling mailagay sa peligro ang inyong buhay at ang atin pong kalikasan.
 
Muli’t muli nating patutunayan sa mundo na sampung beses man tayong masadlak sa ganitong mga delubyo, labing isang beses aahon si Juan at Juana dela Cruz; labing isang beses tayong babangon mula sa pagkakadapa. Maging pagkakataon po sana ang trahedyang dala ni Sendong upang makapaglatag ng pagbabagong hindi matatangay ng hangin o aanurin ng baha; maging hudyat po sana ito ng pangmatagalang transpormasyon sa pananaw, ugali, at kilos ng bawat isa po sa atin.
 
Sa darating na panahon, maalala sana natin ang mga araw na ito hindi lamang dahil sa mga napinsala, hindi lamang dahil sa pagluluksa, at hindi lamang dahil sa dalamhating nararamdaman natin ngayon. Magbabalik-tanaw tayo sa panahong ito: sa kung paano tayo pinagkaisa, kung paano tayo hinubog, at kung paano natin pinatunayan sa mundo: Walang kayang magpayuko sa Pilipino.
 
Maraming, maraming salamat po at magandang hapon po sa lahat. -President Noynoy Aquino


source: http://www.gov.ph/2011/12/20/president-aquino-statement-on-the-aftermath-of-tropical-storm-sendong-december-20-2011/